Matutunghayan nyo na rin dito ang ANIME KABAYAN: The Way Eye See It! Salamat sa patuloy ninyong pagsuporta!
AK and the entire MAWP are not liable and not responsible for the contents of this anime commentary blog.

Sinong mag-aakalang ang isang miyembro ng House of Representatives ng ating bansa ay magbibigay ng pahayag na sinusuportahan niya ang pagpapalabas ng Japanese anime sa ating bansa at nagbibigay ng kumpiyansa sa mga mahahalagang elementong ipinapakita ng bawat anime series na ipinapalabas sa mga TV networks?
Kamakailan lang, si Gilbert Remulla, ang kinatawan ng ikalawang distrito ng Cavite ay nag-organisa ng isang fund-raising paint ball competition na sinalihan ng kapwa niya kongresista, artista at mga taga-media. Ang nalikom sa naturang kumpetisyon ay ibibigay sa Gawad Kalinga, ang institusyong ito na kilala sa pagpapatayo ng mga bahay para sa mga mahihirap, partikular na sa mga nasalanta ng kalamidad.
Sa naging pahayag ni Remulla sa Hero TV na siyang nag-cover ng naturang event, sinabi ni Remulla na hindi dapat matakot at mabahala ang mga magulang sa panonood ng kanilang mga anak ng Japanese anime dahil sa kabila ng mga maaksyong mga eksena mula sa karamihan ng mga anime na ipinapalabas dito, may katumbas at kaakibat na moral and life lessons ang mga ito. Katulad ng Hero TV, sinusuportahan ni Remulla ang mga aktibidad (tulad ng kanyang inorganisang fund-raising paint ball competition) na humuhubog sa kakayahan at kumpiyansa ng mga kabataan, maging ang mga programa sa telebisyon (tulad ng mga Tagalog-dubbed Japanese animes na una niyang ipinahayag) na nagbibigay ng makabuluhang aral sa moralidad at buhay sa mga manonood nito.
Sana maging katulad ng iba pang mga pulitiko si Remulla sa pagbibigay ng suporta at kumpiyansa sa pagpapalabas ng Japanese anime sa bansa. Sa halip na tingnan nila ang umano’y bayolenteng mga nilalaman nito ay sikapin nilang silipin at unawain ang mensahe, prinsipyo at kung ano ang ipinaglalaban ng mga anime heroes. Karamihan ay nagpapakita ng tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan, kahalagahan ng pagkakaibigan, pagpapahalaga sa kapwa, sa kaibigan, sa pamilya at maging sa bayan. Sa mga sports anime naman, malinaw lang na ipinapakita dito ang halaga ng teamwork, tamang paggamit at pagsagawa ng mga istratehiya upang manalo sa bawat laro at pagtanggap ng pagkatalo.
Magsilbing hamon ito sa mga magulang na kasalukuyang natatakot at nababahala sa patuloy na pag-usbong ng industriya ng anime sa ating bansa. Sa halip na sisihin ang anime sa kung anong negatibong pagbabago ng kanilang mga anak ay maging instrumento at laging gabayan ang mga bata sa panonood. Dagdagan na rin nila ng paglalahad kung anong moral lessons ang makukuha nila sa pagtutok ng pakikibaka ng mga anime heroes.
Maging hamon din ito sa MTRCB, mga conservative groups na patuloy na tumutuligsa sa magandang adikhain ng bawat anime na palabas sa telebisyon. Para sa MTRCB, huwag sana silang maging one-sided o bias sa pagtugon sa mga umano’y reklamo ng iilang mga manonood na may kaugnay sa anime. Para sa mga konserbatibo, isuko na lang nila ang kanilang paninira sa anime. Maraming isyu na di hamak na mas mahalagang tutukan ng mga ito kaysa pag-aksayahan ng panahon sa pagbatikos sa anime.
Higit sa lahat, maging hamon din ito sa mga TV networks at mga dubbers. Maging masinop sa pagkuha, pagda-dub at pagpapalabas ng anime sa kanilang mga channels. Huwag padadala sa ilang empleyado na nag-uudyok sa mga puno ng Entertainment, Foreign Programs Acquisition at Programming departments na gumawa ng mga hakbang laban sa anime.
Para kay Mr. Gilbert Remulla, kaming mga Pinoy anime otakus ay labis na natutuwa sa inyong maikli pero makabuluhang pahayag. Dapat kang tularan ng iba pang mga pulitiko.

Malapit na namang magpaalam ang taon, pero bilang Pinoy anime otaku, nararapat lang na maipahayag natin ang ating mga saloobin sa pamaamgitan ng taunang botohang ito. Kaya ang Zen Otaku Honbu ay muling inilulunsad ang pinaka-komprehensibo, pinakapinagkakatiwalaan at pinaka-maaasahang online poll ng Pinoy anime otakus dito sa bansa at sa buong mundo.
For the fourth straight time, welcome to OTAKU’S VERDICT: The Philippine Anime Year-end Poll!
Para primer na ito, ating susulyapan ang mga naging kalakaran ng mga TV networks sa ating bansa, mapa-local TV man o cable TV.
Ang mga higanteng TV networks ay patuloy sa pagpapakita ng pagbagsak, kapalpakan at kabiguang maaliw ang mga anime fans.
Sa ABS-CBN 2, tanging ang Naruto Shippuden ang naging pinakamalakas na anime sa nag-iisang afternoon schedule nito. Sa pagdaan ng mga buwan, tuluyan nang nawala sa ere ang anime sa hapon at tinambakan ng Kapamilya network ang afternoon slot ng mga wala na sa usong mga Latinovelas at nagpupumilit na pumatok na mga Asianovelas. Isama pa diyan ang mga early edition (higit na kilala bilang Uber) ng mga reality shows, na kamakailan lang ay napatunayang hindi ito ang solusyon para sa isang indibiduwal para maging matagumpay sa buhay. Kamakailan lang, ang Weekend Hero Zone ay nawalan na rin ng anime line-up at pinalitan ito ng mga foreign animation series. Tanging ang weekday morning schedule na lamang ang nalalabing bala ng ABS-CBN 2 na kinabibilangan ng Digimon Savers at ilang anime reruns para aliwin ang mga anime fans.
Sa GMA 7 naman, nagsimula ang taon sa mga Initial D series pero pagkatapos nito ay nagpakita na rin ito ng kapalpakan at kaduwagan. Maging ang Ghostfighter at Flame of Recca na dating top rater noon ay hindi rin nakaporma dahilan para agad itong tanggalin sa ere. Kapansin-pansin din ang muling pagpapalabas ng Voltes V at Daimos. Ang Pokemon ay nasa ere pa rin lampas isang taon na ang lumipas. Bagamat may mga bagong titles silang ipinapalabas, hindi naman ito nalalagay sa nararapat nitong timeslot.
Sinasabing may mga plano naman daw ang ABS-CBN 2 at GMA 7 sa kanilang anime programming. Pero natatagalan at nade-delay ang pagpapatupad nito dahil sa impluwensya ng mga taong humawak sa programming, entertainment at foreign programs acquisition departments nito. Nariyan din ang mga umaaligid na mga empleyado na bumubulong at nag-uudyok na huwag nang kumuha ng mga anime o huwag nang magpalabas ng anime. “Entertainment delayed is entertainment denied”, ika nga.
Samantala, ang mga sister stations na Studio 23 at QTV 11 ay mahina pa rin ang pundasyon ng kanilang mga anime. Nagiging repeatable na ang pagpapalabas ng kanilang flagship anime series na Samurai X sa Studio 23 at ang irregular anime schedule ng QTV 11 sa hapon.
Kung may mga TV networks na nagpapakita ng pagbagsak, meron din namang nagbagong-bihis at bumangon para i-cater ang kanilang mga viewers. Sabi namin dito sa ZOH, ang taong 2008 ay Revamp/Reformat Year para sa mga sumusunod.
Una dito ang Hero TV sa kanilang “animated” accent. Hindi man alintana sa iba, may mga nangangamba na baka mawala ang tunay na identity ng Hero TV bilang “anime channel”. Bukod daw kasi sa mga Korean at Chinese animation, umeeksena na rin ang mga Western animation. Malaking bala naman ang pagpapalabas ng “Dubber’s Cut” segments. Pinakamahalaga pa rin para sa mga Hero TV viewers ang pagiging “Tagalog-dubbed” ng channel na ito.
Ang Animax Philippines, sentro sa kanilang accent ang “blue cube”. Hindi pa rin natitinag sa pagpapalabas ng kanilang mga breakthrough animes. Ang kapansin-pansin dito, sa bawat monthly highlights nila ay kasama nang ipinakikilala ang mga anime titles na matagal nang naipalabas, patunay dito ang The Law of Ueki at Slam Dunk.
Sa Cartoon Network Philippines, tagilid ang logo nito. Ang Toonami block ay malapit na ring tumagilid. Pero ang ang karagdagang timeslots para sa mga anime ay hindi tumatagilid. Bagamat karamihan dito ay toy/hobby oriented, nakakaaliw pa ring panoorin ang mga ito. Ang Naruto ay nasa season 1 pa rin sa himpapawid ng CNP.
Ang nag-stand out sa lahat ngayong taon, ang TV5. Dating ABC 5, na nag-ere ng Sailormoon, Eto Rangers, etc., at gumawa ng Animania at Anime Ring Kaisho blocks, ay muling nagpakita ng lakas sa pag-redub ng Transformers: Armada at Duel Masters at sa pag-ere ng patok na patok na Shakugan no Shana at Yamato Nadeshiko Shichi Henge. Patutunayan ng TV5 na tatangkilin ng kanilang mga manonood, lalo na sa panig ng mga “lost viewers” ang kanilang bago at naiibang pormula, lalo na sa “Teens and Toons” block. Kaya hindi nakakapagtaka kung sila ay No. 3 na agad sa NUTAM.
And that’s it. Maliwanag na siguro sa inyo ang naging scenario sa Pinoy anime industry ngayong taon. Kaya nalalaman naming papanig kayo sa mga nararapat bigyan ng karangalan at bigyang-babala ang mga gumawa ng kapalpakan. Pero sa Disyembre 2008 pa ang botohan, kaya ikampanya nyo na ang inyong mga manok.
Bisitahin ang OTAKU’S VERDICT website: http://www.otakusverdict.cjb.net/
Let’s make a stand, make your voices heard, panahon na naman para humatol.
Walang kaduda-duda, maraming mga manonood na Kapamilya at Kapuso ang nagrerebelde sa mismong mga kampo nila. Iyan ay dahil marami silang nakikitang mga problema, pagkakamali at mga kasalanan ang ginagawa ng GMA 7 at ABS-CBN 2 sa kanilang mga tatawagin nating mga “lost viewers”.
Nitong mga nakaraang araw, nabalitaan na natin na ang bagong bihis na TV5 ay pumapangatlo na sa mga pinaka-pinapanood na mga TV channels sa buong bansa. Ito ay base sa Nationwide Urban Television Audience Measurement o NUTAM ng AGB Nielsen Media Research mula August 10 to 16, 2008, kung saan ito ang mga naging unang araw ng pagsasahimpapawid ng TV5. Malinaw lang na nagawa ng TV5, sa ilalim pa rin ng mga ehekutibong sina Tonyboy Cojuangco at Christopher Sy at ng buong Associatied Broadcasting Company na muling bumalik sa komportableng ikatlong puwesto sa loob lamang ng isang linggo. Isang bagay na hindi inaanunsyo ng QTV 11 o ng Studio 23, na kapwa hawak ng GMA at ABS-CBN sa panahon ng kanilang pag-ere.
Base sa mga talakayang aking nababasa sa PinoyExchange.com Forums, hindi nababahala ang mga Kapamilya viewers sa development na ito. Sa katunayan, ayon sa pahayag ni Mr. Leo Katigbak, na kilala noon na namamahala sa Studio 23, welcome na welcome para sa kanila ang muling pagbangon ng TV5. Ito ay isang hamon para sa kanila para sa anumang mga hakbang o pagbabagong kanilang gagawin para sa mas ikagaganda ng Studio 23.
Samantala, nagpapakita naman ng insecurity at pagkabahala ang mga Kapuso viewers sa naging resulta ng NUTAM ratings. Baka nga naman kasi, anumang araw ay maaagaw sa GMA 7 ang ikalawang puwesto. Nauna nang nagpahayag ang TV5 na target nilang maging number 2.
Sa pananaw ng mga “lost viewers” ng kapwa ABS-CBN 2 at GMA 7, walang karapatang ang mga rabid, uber at mga extreme Kapuso viewers na mainsecure sa pagiging no. 3 ng TV5.
Kung ayaw ng mga rabid, uber at extreme Kapuso viewers na tawagin sila ng taumbayan na “insecure”, kailangan nilang harapin at sagutin ang mga problema, pagkakamali at kasalanan na matagal na nilang ginagawa sa kanilang paboritong istasyon. Maging ang mga Kapamilya viewers ay kailangan din nilang bigyang-pansin ang mga puntong ito dahil sila din ay nakakaranas ng ganitong aberya, dahilan para ang karamihan sa kanilang mga viewers ay nagsasawa na, o di kaya ay “naliligaw” na ng landas at ang iba ay nakakita ng kasiyahan sa TV5.
Mula umaga hanggang gabi, sa bawat patalastas ay hindi nawawala ang mga pluggings ng kanilang mga primetime bets (namely Primetime Bida at Telebabad, maging ang GoBingo clips). Kaya lubhang nakakabahala ang agwat ng mga nanonood sa mga naturang mga programa at ng mga nanonood sa iba pang mga shows na hindi primetime. Kaya ang karamihan sa mga viewers ay nanonood ng mga primetime shows na ang totoo ay hindi talaga ito ang hilig ng mga ito. Malaking halimbawa na lamang ang mga bata at mga anime fans, na sa halip na anime ay napipilitan silang manood ng mga telenobela at mga Asianovelas na malinaw na hindi angkop sa kanila. Ito ay resulta ng matagumpay na pang-uudyok ng ilang mga empleyado ng mga Entertainment at Foreign Programs Acquisition department na huwag nang kumuha o huwag nang magpalabas ng anime sa afternoon timeslot at sa halip ay kumuha o magpalabas na lamang ng mga Asianovelas sa mga timeslots na dapat ay sa anime.
Tanggapin man ng mga rabid, uber at mga extreme Kapamilya at Kapuso viewers ito o hindi, malaking kalokohan at kasayangan ng pera ang paggawa ng mga Pinoy versions ng mga international properties. Putting the reality shows aside, pero ang mga katulad ng Zaido, Marimar, My Girl, Betty La Fea, Lalola at isang malaking katangahan, katawa-tawa at kabulastugan. Bagamat laging ikinakatwiran ng GMA 7 at ABS-CBN 2 na gusto nilang lagyan ng Pinoy accent ang mga nabanggit na mga palabas, tunay ang kanilang layunin nilang malihis, kontrahin, pasinungalingan at palakihin ang disenteng kuwento ng mga orihinal na pag-aaring ito.
Tunay na nakakalungkot na isa pang dahilan kung bakit may mga manonood silang umaalis sa GMA 7 at ABS-CBN 2 ay dahil sa malinaw na hindi tinutugunan ng mga TV networks na ito ang mga kahilingan, hinaing at reklamo ng mga kanilang mga viewers, lalo na sa mga anime fans. Bagamat may mga telepono, snail mail, e-mail at kahit mga online forums ay bukas para rito, hindi naman ito nakakarating sa mga kinauukulan.
Totoo ngang mas prayoridad ng ABS-CBN at GMA na kumita ng malaki (kung hindi limpak-limpak,ay milyon-milyon) kaysa pagbigyan ang kahilingan at kasiyahan ng mga manonood, lalo na ang mga anime fans.

Maliwanag na maliwanag kung ano ang nasa loob ng puso at isipan ng TV5 CEO Christopher Sy at ang iba pang mga taong nasa likod ng pagbabagong-bihis ng channel 5 (na ngayon at TV5). Bagamat malaking pera ang ipinuhunan ng TV5 at sa tulong na rin ng MPB Primedia, Inc., kasama dito ang tapang na harapin ang malalaking TV networks na ABS-CBN 2 at GMA 7… ang lakas ng loob na tapatan ng alternatibong mga programa ng TV5 ang mga tradisyunal na mga TV shows ng ABS-CBN 2 at GMA 7… at ang kumpiyansa na susuportahan ito ng target nilang mga manonood - ang kabataan… isang bagay na sang-ayon naman ang sambayanang Pinoy anime fans.
Ayon sa kanilang advertisement na kasalukuyang ipinapalabas sa TV5, alam ng TV5 kung ano ang gusto ng mga kabataang manonood ng telebisyon ngayon. Kaya mula noong August 9, 2008 ay ibinibigay ng TV5 ang kung ano ang gusto ng mga kabataan, kung saan nila ito gustong panoorin at kung paano nila ito gustong panoorin, isang malaking bagay na hindi, walang kakayahan o walang balak tugunan ng mga malalaking TV networks.
Anu-ano nga ba ang mga naging pagkukulang (o sabihin na nating kasalanan) ng mga malalaking TV networks sa sambayanang Pinoy anime fans? Maliwanag na hindi tinutugunan ng ABS-CBN 2 at GMA 7 ang mga panawagan nating muling maglagay ng anime sa afternoon schedule. Ito ay sa hinalang may mga empleyadong binubulungan ang mga namumuno sa Entertainment o sa Foreign Programs Acquisition at inuudyukang huwag nang magpalabas ng anime sa hapon o di naman kaya ay bumili na lamang o mag-dub at magpalabas ng mga Asianovelas sa mga timeslots na sa pananaw ng sambayanan ay dapat sa anime.
Dito papasok ang anggulong nagtataksil na ang mga malalaking TV networks sa kanilang mga manonood. Kung malaking bagay sa kanila ang anumang feedback mula sa kanilang mga manonood, paano nila ipapaliwanag ang mga kasong hindi nakakarating sa mga kinauukulan ang mga tawag sa telepono, ang mga padalang snail mail o kahit sa pagpapadala sa e-mail na humihiling na maglagay ng anime sa afternoon schedules? O kahit mga feedbacks mula sa kanilang online forums ay hindi ginagawa ng paraan ng mga forum administrators at moderators para maiparating ito? Paano naman nila ipapaliwanag na ang mga ipinagmamalaki nilang anime acquiition (kung meron man) ay hanggang sa mga panahong ito ay hindi pa rin nila maipalabas sa kanilang mga channels? Isang halimbawa nito ay ang balitang nakuha ng GMA 7 ang Death Note na hanggang ngayon ay wala pa ring petsa kung kailan ito unang maipapalabas. Pinangangambahan ba nila ang nilalaman ng anime na ito? Kung gayon, bakit ang Shakugan no Shana sa TV5, nagawa nilang ipalabas ito sa kabila ng umano’y sensitibong nilalaman nito? Dito papasok ang mga mabigat na katuwiran ng TV5… may tapang na ipalabas ang naturang anime na ito, upang ipakita kung ano talaga ang nangyayari sa buhay ng isang teenager na suportado naman ng fictional at fantasy plots… may lakas ng loob na ilagay ito sa timeslot na bagay na ginawa na rin ng GMA 7 at ABS-CBN 2 ilang taon na rin ang nakalipas… may kumpiyansa na tatangkilikin ito ng sambayanang Pinoy anime fans.
Oo nga’t ang kapwa ABS-CBN 2 at GMA 7 ay may pangalawang channels (Studio 23 at QTV 11), pero pareho ding hindi tinutugunan ng kanilang mga “alternatibo” ang gusto ng mga kabataan. Nagsisimula na ring magpakita ng kapabayaan at kasalanan ang QTV 11 sa kanilang anime programming, lalo na sa hapon. Lubha nga namang nakakapagtaka ang Mondays to Wednesdays scheme ng QTV 11 sa kanilang anime programming. Ito ba ay dahil sa kanilang Matinee block?
Kung gusto ng ABS-CBN at GMA na tangkilikin sila ng mga youth viewers, maliwanag ang kanilang dapat gawin…tularan ang ginagawa ng TV5 para sa sambayanang Pinoy anime fans. Dapat nilang itanim sa kanilang mga kukote na hindi lang dapat alalahanin ang malaking perang kanilang pupuhunanin o kikitain kundi ang kasiyahang ibibigay nila sa mga kabataang manonood nito.

August 9, 2008. Saturday. Mga bandang 8:00 to 9:00 pm, napanood ko ang teaser ng TV5 kaugnay ng kanilang programming para sa mga kids at youth. Sinasabi nilang 32% ng total population ng Pilipinas ay binubuo ng youth. That’s why TV5 gives these viewers WHAT THEY WANT, WHEN THEY WANT IT and HOW THEY WANT IT.
Buong umaga (6:00 am to 12:00 nn) ay inilaan sa mga animated shows. Tatlong oras dito ay sa Nick on TV5 block. Tuwing 11:30 am to 12:00 nn naman ang Transformers: Armada, na una nang napanood sa GMA 7, QTV 11 at Hero TV. Walang takot na tinapatan ng anime na ito ang Pinoy game show ng ABS-CBN 2 at ang hindi mamatay-matay dahil hindi pinapatay na mortal enemy ng anime programming na matanda nang bida sa 14 na taon nang ginawang telenovela na palabas pa rin sa GMA 7.
Mula nang alas-4:30 hanggang alas-7:00 ng gabi, para pa rin sa youth ang naturang timeslots. Tagalog-dubbed ang Nick on TV5 mula 4:30 to 6:00 pm. At ang isang oras naman ay ipinangalang “PrimeTime Anime”. Buong sambayanang Pinoy anime fans ay tumutok sa Shakugan no Shana at Yamato Nadeshiko, kung saan ang mga dubbers nito ay dinala ang galing at talento hanggang TV5. Buong tapang na hinarap ng 2 anime na ito ang mga gameshows nina Kris Aquino at Arnell Ignacio at ang unang 30 minuto ng kanilang TV newscast.
Aaminin kong mula nang mawala sa afternoon slot ang anime, napipilitan akong manood ng mga gameshows sa gabi. Pero nang bumalik ang anime sa TV5, na-realize kong wala akong panalo sa panonood ng mga ito. Kung manonood lang ako pero wala naman akong mapapanalunang pera, bakit pa ako manonood? Hindi kataka-taka kung mababa ang narehistrong ratings ng mga ito. Hindi lahat ng 15% ng mga nanonood ay naglalaro kasabay nila.
Kaya tayong mga anime fans, kaysa aksayahin lang natin ang 30 minuto sa gameshows at 30 minuto ng panonood ng mga balita na hatid ay problema at walang kasolusyonan, manood na tayo ng PrimeTime Anime block ng TV5. Pantay-pantay tayong maeentertained.
Muli, ang aming hamon sa ABS-CBN at GMA. Ang mga pinuno ng Entertainment department at maging sa Foreign Programs Acquisition department ay malinaw na walang ginagawang aksyon sa mga panawagan ng mga anime fans na muling maglagay ng anime sa afternoon schedule. Ito ay dahil sa nagpapaimpluwensya sila sa mga bulong ng ilang empleyado, nag-uudyok na huwag nang magpalabas ng anime sa hapon at sa halip ay magpalabas ng mga Asianovelas.
Malinaw na nababahag ang buntot ng mga nasa Entertainment at Foreign Programs Acquisition department ng mga TV networks na ito. Kung magkaroon nga naman ng pagkakataon na magpalabas ulit ng anime sa hapon, pipiliin pa rin nilang magpalabas ng mga gasgasing animes kaysa magpalabas ng bago pero makokompromiso naman dahil putol-putol ang mga eksena. Magreresulta ulit ng ito ng muling pagkakatanggal ng anime sa hapon.
Maayos sana kung ang mga feedback ng mga katulad naming mga fans ay nakakarating sa kanila. Pero nababalitaan kong nakatambak ang mga phone-in feedbacks, mga snail mails, maging ang mga e-mail messages ay hinaharang kapag anime ang topic.
Hanggang patuloy ang iregularidad, katiwalian at pagmamaltrato ng mga higanteng TV networks sa anime programming, patuloy ang aming panunuligsa at pagbatikos sa kanilang mga maling gawain.
Para sa TV5 - hanggang patuloy ang magandang simula ng pagbabalik ng anime programming sa inyong channel, ang buong suporta naming mga anime fans ay laging nasa inyo.